Noong Bata Pa Ako…
“Bahay kubo, kahit munti
Ang halaman doon ay sari-sari…”
“Ang bakya mo Neneng,
Luma at kupas na…”
May mga nakatatanda pa kaya sa mga awiting ito? Hehehe, ako, natatandaan ko ang mga ‘to nung tinuro sa’kin ng mahal kong Lola Sepa nung bago ako pumasok sa eskuwela. (Oh, I missed my Lola & Lolo)
At ito pa kaya?
“Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak…”
Palagay ko’y alam n’yo naman kung sino ang nagcomposed niyan, at nagpasalin-salin sa mga mahuhusay na mag-aawit ang kantang ‘yan.
Makabayan at madamdamin ang bawat liriko na nakapaloob sa awiting ‘yan. Nagpapaalala sa pagiging tunay na kulay ng ating lahi at kultura.
Sa panahong ito, may mga nanghaharana pa kaya?
Isang kulturang kay-tagal din nating niyakap sa halos tatlo hanggang limang dekada.
Isang paraan ng pagpapahayag ng pag-ibig sa pamamagitan ng awit at gitara.
Katabi ko natutulog ang Tita ko noon nang maya-maya ay may narinig kaming tunog ng gitara at himig na nagmumula sa labas ng bahay. Bumangon ang Tita ko at binuksan ang bintana.
“Dungawin mo Hirang…”
Dumungaw nga ang Tita ko, saka mga Lolo at Lola.
Dumungaw din ako. May naghaharana. Simpleng kasuotan at may dala-dala silang sulo.
Natapos ang ilang awit at pinatuloy sila ng Lola at Lolo ko. Inabot sa Tita ko ang isang bungkos na mangga na kapipitas ng isang lalakeng naghaharana. Palibhasa’y wala pang kuryente sa lugar ng Lola ko kaya’t lampara lang ang tanglaw nila sa sala.
Kaya natandaan ko noon kung ano ang harana. Kailangan mong humingi muna ng permiso sa magulang ng babae bago ka umakyat ng ligaw.
May nakabantay na magulang kung minsan o nakikinig sa inyong usapan habang ikaw ay dumidiga.
“susungkitin ko ang mga bituin sa langit, mapasa-akin ka lamang…”
Noong una pa raw, may nagsisibak pa ng kahoy sa bakuran ng bahay ng nililiyag. Sumasalok ng tubig.
Isa, dalawa o ilang buwan (or sometimes it takes years) bago mo makuha ang matamis na “Oo” ng dalaga.
Madalas ding mangyari kapag ayaw ng magulang sa lalake, pero nagkakagustuhan ang dalawa, nauuwi sa pagtatanan. (exciting di ba?)
Pero ngayon? Napakaraming paraan para mapasagot mo ang dalagang gusto mong pakasalan. Wala nang harana, wala nang liham, wala nang tulay…
SMS, Text, YM, Internet Chatting, ke-ano pa man yang de-electronic na communication, napakabilis na ng pagsasabi ng pag-ibig at di ka na maiinip sa paghihintay ng sagot.
Moderno na nga ang Pinoy ngayon, halos lahat ay automatic na ang mga gadgets.
Lumingon ka sa paligid mo, automatic na ang mga prutas na makikita mo sa bahay-kubong de-remote na lahat ng bagay.
Si Juan Tamad kaya, remote controlled na rin? Hehehehehe…..
Bagong bihis lang po ang site na ‘to, sana po ay may mag-share ng kanilang opinion tungkol sa lifestyle, arts and culture nating mga pinoy dito sa “BUHAY PINOY” site.
See Ya!!